San Pedro Calungsod

9:13 PM


Bilang pag-pupugay sa ikalawang dineklarang Santong Pilipino, wikang Filipino ang aking gagamitin sa sanaysay na ito.

Marahil ay hindi na bago ang magandang balitang ito, at hindi naman lingid sa atin ang selebrasyon ng sambayanang Pilipino sa pagkaka-deklara ng ikalawang Santo mula sa ating bansa na si San Pedro Calungsod.

Kung hindi ako nagkakamali, sampung taong gulang ako ng aking marinig ang pangalan niya. Tuwing kami ay nagro-rosaryo sa kotse tuwing kami ay aalis, ay parating binabanggit ng aking ninang si Beato Pedro Calungsod. Noon, akala ko ay isa lamang siya sa kanyang paboritong mga alagad ng Diyos. Hindi ko pa alam na isa pala siyang Cebuano, isang Pilipino.

Dumaan ang ilang taon at idineklara siya ng simbahang Katolika na isang Banal. At ilang oras lamang ang nakalipas ay idineklara na siyang ganap na Santo kasabay ng anim pang Banal sa kanonisasyong ginanap sa Basilika ni San Pedro sa Vatikano, Roma, Italia.

Tunay na isang makasaysayan at banal na tagpo ito para sa ating mga Pilipino. Na masaksihan ang ating kababayan na maging isang Santo. At maging inspirasyon natin sa ating pang-araw araw na pamumuhay.

Sa ganap na alas-sais ng gabi makatapos dasalin ang Angelus at ang panalangin para kay San Pedro Calungsod, lahat ng kampana sa buong Pilipinas ay kumalembang bilang pag-alala at pagbibigay pugay sa bagong Santong Pilipino.

Lahat tayo ay tinawag upang maging banal. Hindi lamang ang mga pari, madre, o mga taong simbahan. Maging tayong mga ordinaryong mamamayan, tulad ni Pedro ay may kakayahan upang maging Santo. Nawa'y atin siyang maging inspirasyon at tularan ang kanyang buhay na inalay sa pagmamahal sa Panginoon.

Mabuhay ka, San Pedro Calungsod!
Ipanalanging mo ang bansang Pilipinas.

Hanggang sa aking susunod na sanaysay!

Charlie Tango :-)

You Might Also Like

0 comments